Patawad, Pilipinas

(VP Leni Media Bureau)

Ambigat ng gising, ambigat ng puso, ang hirap huminga, ang hirap gumalaw. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman, kanino ba ako magagalit? Hindi ako pwedeng manisi muna sa sistema kasi wala akong pruweba kung dinaya nga ba. Pero sobrang nadudurog ang puso ko dahil sa kapwa ko Pilipino.

Kapwa ko Pilipino na piniling kalimutan ang mga nangyari sa nakaraan. Ang kapwa ko Pilipino na nabaon sa maling mentalidad na dapat nag mo-move on sa kasaysayan. Pero yung klase ng pag mo-move on na bumenta sa kanila ay may kasamang paglimot sa lahat ng mabuti at masasama. Hindi lang kinalimutan, ngayon ay pilit na binubura. Kinukwestyon ang mga aklat ng ating kasaysayan. Kung ganoon, ibig din bang sabihin no’n ay may pagkwestyon din sa tunay na pinaglaban nila Rizal, Bonifacio, Lapu-Lapu at iba pa nating bayaning inalay ang buhay para sa bayan? Kapwa ko Pilipino na ibinenta ang sariling boto, dangal at parte nila sa bayan para sa perang ninakaw din naman mula sa kanila na ang kapalit ay buhay din ng mga nawala, namatay at naghirap sa rehimeng nais nanaman bumalik sa eksena. Kapwa ko Pilipino sa laylayan na unang unang maghihirap mula sa panlilinlang na mahahawakan nila ang ginto na siya daw pinakamalago sa mundo. Kapwa ko Pilipino na napagkaitan ng oportunidad para sa mabuting edukasyon na siya sanang tumatama sa mga maling pananaw at pagbabago sa kasaysayan. Bakit ganoon, Pilipino, bakit ang hirap mong ipaglaban? Ganoon na ba talaga kalalim ang makinarya ng kadiliman sa atin? Lilituhin ka sa tama at mali. Guguluhin ka na ang hanap lamang ay ang totoo. Ang totoo na nakasulat na sa mga pahina ng kasaysayan ng bayan, pinipilit punitin, ibahin at muling isulat. Nakakalungkot dahil ang rebolusyon sa EDSA ay ang kinikilalang handog natin sa mundo. Madaming ibang lahi na gumaya sa mapayapang rebolusyon na sinimulan natin. Pero bakit ang kahulugan ng rebolusyon na yun ay nawalan na bigla ng saysay? O Pilipinas, gumising ka naman. Hindi ka mulat. Lalo kang nabulag sa kanilang lahat.

Pero sa kabila ng lahat ng ito, alam kong hindi magtatagal ang pagwawagi ng kadiliman. Lalabas ang katotohanan at tayo muli ay titindig para dito. Sa mga nakasama ko sa pagtindig, isang karangalan ang lumakad at sumigaw para sa pagbabago kasama ninyo. Sana patuloy tayo lumaban, maging handa dahil hindi magtatagal, dadating ang Liwanag natin sa dilim. Nais ko sana na pagdating ng panahong iyon, kasama pa din kita. Sa ngayon, umibig muna tayong muli. Kahit para sa mga ipinaglaban nating kababayan na iba sa ating pinaniwalaan. Habang nagmamatyag, umibig ng buo. Umibig ng totoo. Doon natin simulan, umibig ng buong puso.

Patawad, Pilipinas, nilapastangan kang muli..

Leave a comment